Walang ginawang kahanga-hanga si Darwin Ramos. Ang pagkaordinaryo ng kanyang buhay ay ang payak na paraan ng kanyang pagkabanal. Nabuhay siya sa kahirapan sa mga lansangan ng Maynila at ang hirap ng kasakitan na nagpahina sa kanyang katawan ay dahilan ng kanyang puspos na pakikiisa kay Kristo. Sa kanyang kabataan, kahirapan at kasakitan, puno ng kagalakan ang kanyang buhay.
Ang iniwan niyang pamanang espirituwal sa atin ay makikita sa dalawang maikli ngunit mahalagang pangungusap. Nang mabatid niyang nasa bingid na siya ng kamatayan, ito ang sinulat niya: “Maraming salamat po. Masayang-masaya ako.” Ang pasasalamat na ito ay hindi lang sinambit bilang paggalang kundi isang taos-pusong pasasalamat. Ganito rin ang nangyari ilang oras bago siya mamatay nang sinulat niyang napakasaya niya; ang kanyang pakikiisa kay Kristo ay nasa sukdulan at ito ang dahilan ng kanyang kagalakan. Nahanap niya ang Kagalakan at ito ay si Kristo.
Tinagurian si Darwin bilang isang bayani ng Kagalakan ng mga kabataan, ng mga mahihirap at ng mga maysakit. Walang anumang kahanga-hangang ginawa si Darwin; ngunit para sa atin, siya’y isang halimbawang kahanga-hanga.
Isang bayani ng Kagalakan ng mga kabataan
Bata pa si Darwin nang siya’y pumanaw – 17 taong gulang lang. Ngunit ang bawat araw ng kanyang buhay ay makabuluhan. Maraming ibinunga ang maikling buhay ni Darwin.
Siya’y mapagbigay tulad ng mga bata. Sa murang edad, namalimos siya para sa kanyang pamilya. Alam niyang kumukuha ng malaking bahagi ng limos ang kanyang ama upang bumili ng alak ngunit di nagreklamo si Darwin. Kahit nahihiya siyang magpalimos, ginawa niya iyon sapagkat alam niyang ang natirang pera ay sapat na pambili ng pagkain para sa kanyang mga kapatid. Ito ang nagbigay sa kanya ng Kagalakan.
Sa pagbibinata ni Darwin, naging mahalaga sa kanya ang pagkakaibigan. Itinuring niyang mga kaibigan ang mga bata sa Tulay ng Kabataan Foundation. Itinuring niyang mga kapatid ang mga kasama niya sa bahay, tulad ng sa isang pamilya. Ang pagkakaibigang ito ay nakabase sa katapatan at pagiging mapagbigay, di tulad ng pagkakaibigang makikita sa social média gaya ng Facebook o Instagram na popular sa Pilipinas. Naaalala ng mga kaibigan ni Darwin kung paano niya pinatatag ang kanilang kalooban. Lagi niya silang binibigyan ng panahon at pagkalinga sa kanilang pangangailangan. Marunong siyang magbahagi ng kagalakan sapagkat ito’y mula sa kaibuturan ng kanyang buhay espirituwal.
Madalas sabihin ng mga bata: “Paglaki ko, gusto kong maging…” kasunod ng propesyong magbibigay sa kanila ng kagalakan. Ngunit ang kagalakan ay wala sa hinaharap. Ito’y hindi panaginip. Hindi pinagpaliban ni Darwin ang kagalakan sa buhay niya. Araw-araw niyang isinabuhay ang bawat sandali. Isinabuhay niya sa sukdulan ang kagalakan, kahit sa mga pangkaraniwang pangyayari.
Isang bayani ng Kagalakan ng mga mahihirap
Dukha ang pamilyang Ramos, Nang ipinanganak si Darwin, naninirahan sila sa isang barung- barong. Ngunit dahil sa matinding kahirapan, napilitan silang manirahan sa lansangan. Dahil dito, nangalakal si Darwin, naghahanap ng pagkain, kahoy, metal at plastic. Di naglaon, pinilit
siya ng kanyang ama na magpalimos sa Libertad station. Madalas, gutom si Darwin. Ngunit naunawaan niyang “Ang tao’y di lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.” (Mateo 4:4) Dahil naranasan ni Darwin ang gutom at kawalan, natutunan niyang puspusin ang kanyang sarili sa presensya ng Diyos.
Ang mga taong walang kailangan ay nakakalimot sa Diyos. Naniniwala silang kakayanin nila ang lahat. Ngunit ang mga taong walang-wala ay nangangailangan ng lahat. Laging may lugar sa kanilang puso para sa Diyos. Buong -buong hinandog ni Darwin ang kanyang pagmamahal sa Diyos upang ang bawat bahagi ng kanyang katawan ay punan ng Diyos.
Nagiging sanhi ang matinding kahirapan ng pagkawala ng pagkatao. Ngunit kung minsan, ang kawalan ang siyang nagbibigay sa Diyos ng kaukulan niyang lugar sa buhay ng tao. Ito’y sapagkat ang kahirapan ay walang balakid sa paglapit sa Diyos.
Ang mga mahihirap sa daigdig ay bukas sa Diyos. Isang halimbawa nito si Darwin. Isinabuhay niya ang pananampalataya; lubos siyang nagtiwala sa Diyos.
Isang bayani ng Kagalakan ng mga maysakit
Anim na taong gulang si Darwin nang mapansin ng kanyang ina ang madalas na pagtumba ng kanyang anak. Ganyan nagsimula ang sakit ni Darwin, ang myopathy o panghihina ng kalamnan. Ang sakit na ito ay lumalala at di naglalaon, kailangang gumamit ang maysakit ng wheelchair. Ang nagpapalala pa rito ay ang madalas na kahirapan sa paghinga ng maysakit. Maraming hirap at sakit. Ngunit nanatili ang kagalakan ni Darwin. Mas madaling sabihing nanatili ang kagalakan ni Darwin sa kabila ng kanyang kasakitan at sa kabila ng kanyang pagdurusa. Sa katotohanan, hindi dahil sa kanyang kasakitan o sa kabila ng kanyang kasakitan na si Darwin ay masaya ngunit ang kagalakang ito ay nasa kanyang kasakitan at sa pamamagitan nito. Napakalapit niya kay Kristo dahil sa kanyang paghihirap. Nakaugalian na niyang ialay ang kanyang paghihirap. Sabi niya “Sa palagay ko, mais ni Jesus na hindi ako bibitiw hanggang sa huli, tulad Niya.”
Ang buhay ni Darwin ay kaisa sa buhay ni Kristo kung kaya nakayanan niyang sundin ang mga yapak ni Kristo sa daan ng Krus at pasanin ang krus ni Kristo sa kanyang balikat tulad ni Simon ng Cyrene. Isinabuhay ni Darwin ang mga mahiwagang salita ng Bagong Tipan. “Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Kristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan.”(1P 4,13)
Hindi binabanggit ni Darwin ang kanyang sakit, kundi binabanggit niya ang kanyang misyon. Inihahalintulad niya ang kanyang sakit sa isang misyong ibinigay ni Kristo upang patotohanan ang Kagalakan na napapaloob sa pagsubok at kahirapan.
Ang pagkahubog ni Darwin sa paghihirap ni Kristo ay maihahalintulad sa huling linggo ng kanyang buhay tulad ng Pagpapakasit kay Kristo. Nagsimula ang kanyang Semana Santa noong araw ng Linggo na siya’y naospital. Tulad ito ng Linggo ng Palaspas. Ang pangalang Ramos ay hango sa salitang Kastilang “ramas” na nangangahulugang palaspas. Noong Huwebes Santo ni Darwin, nagkaroon siya ng labang espirituwal sa demonyo. Ang kanyang Biyernes Santo ay nagtapos nang may ngiti ang kanyang labi dahil sa kagalakan ng pagkapanalo. Ang kanyang Sabado de Gloria ay puno ng katahimikan, gaya ng katahimikan ng Birheng Maria na naghihintay. Namatay sI Darwin sa araw ng Linggo sa bukang-liwayway, ang oras ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Araw ng Hustisya.
Ang mga maysakit sa daigdig ay may kakayahang isabuhay ang Kagalakan ni Kristo at umaasa sila sa muling pagkabuhay. Isang kahanga-hangang halimbawa nito si Darwin. Isinabuhay niya ang pagtitiwala sa Diyos; nabuhay siya sa presensya ng Diyos.
Si Darwin ay isang bayani ng Kagalakan. Ang kagalakang ito ay hindi mauunawaan sa ordinaryong konteksto tulad ng naramdaman natin kapag kasama ng mga kaibigan o pagtanggap ng regalo. Mas malalim ang Kagalakang ito. Hindi rin ito ang kagalakan ng pagbigay. Mas malalim Ito. Ito ang Kagalakang espirituwal, malalim at totoo. Sapagkat ito ang Kagalakan na si Kristo. Ito ang dahilan kung bakit si Darwin ay bayani ng Kagalakan – sapagkat si Kristo mismo ang kanyang Kagalakan. Ang buhay ni Darwin ay parang Laetare Sunday (ikatlong Linggo ng Kuwaresma), isang araw ng kagalakan sa panahon ng pagpapasakit.