Maraming taong kilala si Darwin Ramos ay nagulat. Ang mga sumusunod ay pagpapatotoo ng mga taong sumang-ayon sa paglathala ng kanilang sinabi:
Ito ang sinulat ng isang lalaking nakilala si Darwin sa Tulay ng Kabataan Foundation (2018):
May direktong kaugnayan si Darwin sa Diyos. Kahanga-hanga ang kanyang espirituwalidad. Siya’y nagbata (at di naglaon) na puspos sa Panginoon. Wala pa akong nakilalang batang hirap sa matinding sakit na laging nagsasabi ng mga salitang : “Salamat,” “Sorry,” “Ang saya-saya ko.” Lagi siyang nakangiti. Di ko siyang nakita, o bihira siyang balingusngos, kahit may iniinda siyang sakit, ito ay dahil sa kanyang lakas ng loob, na hindi nagmumula sa kanyang sarili o sa mga tao sa paligid niya (mga taga alaga sa kanya ng walang humpay). Ang lakas na ito’y nagmula sa kanyang kaugnayan sa Diyos. Ang kanyang maikling buhay (17 taong gulang lang siya sa kanyang pagpanaw) ay puno ng sakit at hirap, ngunit puno rin ng pakikiisa kay Kristo. Ito ang nakapagtataka sapagkat maitatanong natin kung kailan o paano natanggap ni Darwin ang bukod tanging biyayang ito. Sa pundasyon ng mga batang kalye natuto si Darwin ng katesismo. Ngunit bago pa siya nanirahan sa pundasyon, taglay na niya ang presensya ng Diyos. Hindi ito tinuro ng kanyang mga magulang dahil simpleng mga tao silang nabubuhay sa pangangalakal. Pinagkaloob kay Darwin ang biyayang ito. Pinili siya na pasanin sa kanyang katawan ang paghihirap na ayaw nating maranasan ng iba. Si Darwin ay nagpakita ng kaligayahan at simpleng walang kabiguang pananampalataya.
Isang caregiver sa Tulay ng Kabataan Foundation (2013):
Isang araw na may lagnat si Darwin, nagpumilit siyang bumangon at sumama sa mga bata sa Sentro sa kanilang panalangin sa gabi. Para sa kanya, si Jesus muna, bago ang lahat.
Isang dating volunteer ng FIDESCO:
Ang kagalakan ay laging nadarama sa Our Lady of Guadalupe Center, ang bahay para sa mga batang lalaking may kapansanan. Isang tunay na kapatiran ang makikita roon sapagkat ang mga bata’y nag-aalagaan sa isa’t isa. Laging masaya si Darwin kung may mga bisita. Lagi niyang inaalala ang kalagayan ng mga bisita sa halip na kami ang mag-alaala sa kanyang kalagayan. Tinuruan ko siya ng ilang salitang Pranses na naalala naman niya. Magaling din si Darwin umawit.
Ibinahagi ng isang paring nakasama ni Darwin nang ilang taong pinamalagi niya sa Tulay ng Kabataan Foundation (2013):
Pinalakas ni Darwin ang aming kalooban sa paraan ng kanyang pagtanggap sa kanyang sakit araw-araw.
Isang araw na katatapos kong magturo ng katekesis sa isang grupo ng mga bata, sinabi ni Darwin, na katatapos lang magdiwang ng kanyang ika-13 kaarawan: “Father, kilala ko si Jesus.” Nagtaka ako at sinabi ko sa kanya na ilahad ang kanyang sekreto. Ito ang mga salitang sinabi ni Darwin na may malalim na kahulugan: “Si Jesus ang siyang inaalagaan ng mga pari.” Hindi lang inilarawan ni Darwin si Jesus kundi ibinigay pa niya ang kahulugan ng salitang pari na dapat naming mga paring umaakyat sa altar na pagnilay-nilayan nang matagal.
Kapag pinag-uusapan ni Darwin ang kanyang sakit, hindi niya sinasabing ito’y panghihina ng kalamnan kundi isang misyon. Isang araw, sinabi niya sa akin, “Alam niyo, Father, naniniwala akong gusto ni Jesus na magpakatatag ako hanggang sa huling sandali, tulad Niya.” Ito’y kamangha-manghang larawan ng kabanalan si Darwin. Kahit siya’y batang kalye at may sakit na unti-unting nagpapahina sa kanya, napakalapit niya kay Kristo sa kanyang paghihirap at ito’y tinanggap niya nang may buong kagalakan.
Isang dating volunteer ng FIDESCO:
Alam ng lahat na nabubuhay si Darwin ng may tabak ni Damocles. Higit sa lahat, naunawaan niya ito ngunit tinanggap ni Darwin ang kanyang sakit sa punto na inilarawan niya ito bilang misyon. Hindi lang naging matatag si Darwin sa kanyang karamdaman kundi maraming tao ang nagpakatatag sa halimbawang ipinamalas niya sa landais na tinahak niya sa lupa.